Written and sent to Lapid Fire on Nov 14, 2010
Malayo man sa iyó, lupang tinubuan, dî ka malílimot, lagî sa isipan, aking sinásambít, Pilipinas kong mahál, saán ka paróroón, at saán tátahán? Akó’y nalúluhá, tuwing napápakinggán, banat ni Ka Percy, sa mga opisyal, hataw sa kaliwá, hataw man sa kanan, walâ siyáng magawâ, layunin má’y banál. Hangarin man niya’y, ituwid ang bayan, ang kanyang programa’y, bukas na larawan, kung ang mini-mithi’y, hindi pakí-kinggán, waláng iyú-unlád bayang sinilangan. Sana’y bigyan siyá, ng kapangyarihan, ng administrasyon, na ating hinalál, tanging ambisyon niya’y, magbago ang bayan, tungo sa pág-unlad, ang kanyáng pananáw. Mga mamámayán, na nasa malayo, kami’y nalúlungkot, at nasísiphayo, nakikità’y malî, hindî maká-kibó, waláng maitulong, sa bayang sinúsuyò. Programa sa Radyo ni Ka Percy Lapid, tanging ligaya ko, na aking marinig, pagkát púnto niya, ay nasa matuwid, akó’y naá-alíw, kahit na tigatig. Hindî ko maarók, ang lalim ng tubig, tulad ng sinapit, ng tayo’y malupig, sa hirap ng buhay, bayani’y tumindig, nág-aklás ang bayan, na nalí-ligalig. Ng tayo’y masakop, ng imbíng dayuhan, inapí ang bayan, nágdusang súkdulan, baya’y niyurakan, tinapák-tapakan, pinágsamántalahán, dî ng kabá-bayan. Nasadlak sa dúsa, ng tayo’y magapî, baya’y nágdalita, dayuhan ang sanhî, nágpunla ng buhay, dakilang bayani, hindi tulad ngayon, alipin ng lahì. Ngayon ay ibá na, ang sitwasyon natin, mga kabábayan, ang umá-alipin, mga opisyales, na sobra ng sakím, pá’no itútuwíd, anó ang gágawín? Nág-ahin ng buhay, para sa’yó bayan, dakilang bayani, matuwid ang pakay, datapwat subalit, at sapagkat ewan, kamatayan nila’y, nág-bunga ba namán?